NORTH COTABATO — Pinaniniwalaang personal na alitan ang dahilan kung bakit pinabulagta ng di pa nakilalang gunman ang isang 52 anyos na matandang lalaki nang pagbabarilin sa Sitio Mahad, Fort Pikit sa bayan ng Pikit North Cotabato.
Kinilala ng Pikit PNP ang biktima na isang Kedgi Ali alyas Kedgi Edzrapil, may asawa at residente ng sitio Kalbogan, Brgy. Barungis ng nabanngit na lungsod. Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad ay minamaneho umano ng biktima ang kanyang Kawasaki Bajaj na Motorsiklo na may palakng 8795 LI, nang pagbabarilin ng di pa kilalang gunman, pasado alas-5:00 ng hapon nitong Huwebes.
Nagtamo ng sugat mula sa tama ng bala sa kanyang tiyan at sa kaliwang kamay. Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong mga bala ng caliber 45 na pistola. Isa naman umano ang Personal grudge sa mga sinusundang anggulo ayon sa pulisya.
Gayunpaman, patuloy pa ang malalimang imbestigasiyon ng Pikit PNP upang alamin ang motibo sa krimen at mahuli ang responsable sa pagbaril at pagpatay sa biktima. (Rhoderick Beñez)