
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Nov. 27, 2012) – Nalalagay sa alanganin ang political career ni Pagadian City Mayor Samuel Co matapos itong makaladkad sa eskandalong kinasasangkutan ng Aman Futures na siyang nasa likod ng P12 bilyong investment scam.
Sinabi na ni Justice Sec. Leile de Lima na may mga naghain na ng reklamo sa National Bureau of Investigation laban kay Co na umano’y tumanggap ng investment mula sa mga kliyente.
Milyon-milyon piso ang di-umano’y naibigay ng mga ito kay Co. Kabilang sa mga nag-reklamo laban sa pulitiko ay isang bumbero sa Pagadian City at ilang mga negosyante.
Nauna ng itinanggi ni Co ang mga paratang sa kanya at sinabi pa na biktima rin umano siya ng Aman Futures na pagaari ni Malaysian national Manuel Amalilio na ngayon ay nagtatago na sa Sabah matapos na bumagsak ang kanyang raket.
Sinisi naman ni Co ang kalaban sa pulitika na si Zamboanga del Sur Gov. Antonio Cerilles na umano’y nasa likod ng black propaganda sa kanya. Maging ang NBI ay sinisi rin ni Co at baka nais lamang umano nitong kaladkarin ang kanyang pangalan sa isyu.
Marami sa mga taga-Pagadian ang dismayado na kay Co at siya rin ang isa sa mga sinisisi ng publiko sa nasabing scam. Binigyan ng business permit ni Co ang Aman Futures.
Si Co, na ngayon ay nasa ikatlo at huling termino, ay tumatakbong congressman sa Pagadian.
Unang inilabas ng Mindanao Examiner ang scam sa kalakasan nito, ngunit dedma lamang ang mga awtoridad sa Aman Futures dahil marami sa mga opisyal ang di-umano’y nakikinabang sa salaping nakukuha mula sa kumpanya na nag-alok ng 50% interest sa mga kapital sa loob lamang ng dalawang linggo . (Mindanao Examiner)