
MANILA (Mindanao Examiner / Feb. 15, 2013) – Ikinatuwa ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang pag-apruba ng Commission on Elections na makaboto ang mga mamamahayag at brodkaster sa kauna-unahang media absentee voting sa bansa.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, malaking bagay na makaboboto na ang mga journalist sa nalalapit na midterm elections dahil ilang eleksyon na rin ang nakaraan na hindi sila nakaboboto dahil sa pagtalima nila sa kanilang tungkulin.
Tulad ng mga guro, sundalo at pulis ay may tungkulin ding ginagampanan ang mga mamamahayag, kung saan dahil sa nasabing tungkulin ay napipilitan silang magtungo sa ibang lugar kaya hindi sila nakaboboto, ayon kay Yap.
Sa Comelec Resolution 9637, magkakaroon ng pagkakataong makaboto ang mga mamamahayag bago ang mismong araw ng halalan.
Gayunman, tanging ang mga lehitimong mamamahayag na rehistradong botante ang bibigyan ng ganitong prebiliheyo. Bukod dito, maaari lamang ihalal sa media absentee voting ang mga nasa national positions.
Hihingan ng Comelec ang mga media networks ng kanilang listahan ng mga tauhang ibig mag-avail ng media absentee voting, kung saan nakatakda sa darating na Abril 28, 29 at 30.
Gayunman, sa kabila ng papuri, nilinaw ng ALAM na tuloy pa rin ang kanilang pagkilos na ma-disbar sina Brillantes, et al dahil sa pagsuway sa utos ng hukuman. (Nanet Villafania)