
MANILA (Mindanao Examiner / Sept. 8, 2013) – Umalma ang media group Alab ng Mamamahayag (ALAM) matapos isiniwalat ng isang whistleblower sa P10 bilyong pork barrel scam na may ilang media personalities ang nakinabang kay Janet Lim-Napoles.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, dapat pangalanan agad ni Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower, kung sinu-sino ang mga media men na tinutukoy niya upang hindi madamay ang iba pa.
Matatandaang sinabi ni Baligod na base sa accounting record ng isa sa mga lumutang kontra kay Napoles na si Benhur Luy, may mga regular (payola) siyang binibigyan ng pera na kasama sa kanilang payroll.
Umaabot umano sa P30,000 buwan-buwan ang ibinibigay nilang retainer’s fee sa piling media men.
Isa rin umanong pari ang tumatanggap ng P150,000 na stipend kada buwan mula kay Napoles
Ani Baligod, nagsimula ang payroll bago pa lumabas ang isyu sa pork barrel scam, at mapatutunayan nila ito dahil mayroon silang accounting record sa lahat ng transaksyon ni Napoles, cash man o bangko mula 2004 hanggang 2010.
Sinabi pa niyang ang “nagsabwatang dalawang media operator” ang nanguna sa paninira sa kanila ni Luy bilang mga “drug addict, bakla, at nangingikil.”
Ani Baligod, sa tamang panahon, ilalabas nila ang pangalan ng lahat ng nabigyan ng kuwarta ni Napoles.
Sinabi naman ni Yap na ngayon na ang pinakamagandang pagkakataon upang ilabas kung sino ang tunay na mga sangkot sa nasabing kontrobersyal na isyu.
“Ngayon na sana niya ilabas kung sinu-sino ang mga tunay na sangkot para hindi na nalilito ang tao at nadadamay pa ang mga inosente,” ani Yap. “Kung talagang may mga media men na sangkot, banggitin ang kanilang mga pangalan para maipagtanggol naman nila ang kanilang mga sarili.”
Sa imbestigasyong isinagawa ng ALAM, ilang media men sa Quezon City ang umaming minsan silang nabigyan ng regalo ni Napoles nang magpatawag ito ng press conference tungkol sa isang bagong tayong NGO.
Inalok din umano sila ng libreng ‘trip’ sa Taiwan, ngunit wala umano silang kamalay-malay na may kinalaman ito sa multi-billion scam na ginamit sa paglustay sa kaban ng bayan.
“Akala namin, tulad lang iyon ng ibang press conference na inimbita kami, nagsalita siya, gumawa kami ng balita, at tapos na,” ani reporter na ayaw magpakilala. “Nagpa-raffle pa nga siya at ilan kaming nanalo ng trip to Taiwan,” dagdag pa ng reporter. “Pero kung alam naming bayad pala iyon para hindi siya isulat ng negatibo,e hindi namin tatanggapin.” (Nanet Villafania)