
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Oct. 10, 2013) – Tulad ng nakagawian ng pamilyang Tan bawat taon, isang medical mission muli ang mapapakinabangan ng napakaraming pilgrims sa Saudi Arabia sa pangunguna ni dating Sulu First Lady Hajja Nurunisah Tan at ang grupo nito.
Si Hajja Nurunisah na mas kilala sa tawag na Ka Indah ay isang registered nurse at siya rin tumatayong pinuno ng Sulu Provincial Women’s Council.
Bawat taon ay isang malaking medical mission ang bitbit ni Ka Indah sa tuwing pilgrimage nito sa Mecca at hindi lamang mga taga-Sulu ang pangunahin nakikinabang dito, kundi ang iba pang mga Pinoy at dayuhan na nangangailangan ng tulong-medikal sa Saudi.
Bagamat ayaw ni Ka Indah na mailabas sa media ang tradisyonal nitong medical at humanitarian mission sa Saudi ay kalat naman sa mga pilgrims ang tulong na ibinibigay nito at ng kanyang pamilya, partikular si Vice Gov. Sakur Tan at ang anak nitong si Gov. Totoh Tan.
Kasama ngayon taon ni Ka Indah si Gov. Totoh Tan na kanyang katuwang palagi sa pilgrimage. Sa mga nakalipas na taon ay kasama rin sina Vice Gov. Tan at Dr. Farah Omar sa pilgrimage sa Saudi.
Likas na matulungin ang pamilyang Tan na kilalang mga pilantropo at noong nakaraang buwan lamang ay pinangunahan rin nina Ka Indah, Gov. Totoh Tan at Vice Gov. Sakur Tan ang pagbibigay ng tulong sa mga apektado ng kaguluhan sa Zamboanga. Umabot sa P3.7 milyon ang inisyal na naibigay na cash at relief donation ng grupo ni Ka Indah kay Mayor Maria Isabelle Salazar. (Mindanao Examiner)