Mga kababayan: Isang masaganang Bagong Taon po sa ating lahat.
Humaharap po ako sa inyo ngayon upang makiusap: Sama-sama nating salubungin ang bagong taon, gamit ang ingay—hindi mula sa paputok—ngunit sa kolektibo nating sigaw sa isang masigla at mas ligtas na pagdiriwang.
Napakarami po kasing nalalagay sa panganib dahil sa paputok. Umabot po sa isanlibo at dalawampu’t dalawa ang nadisgrasya noong nakaraang taon. Karamihan po rito ay dahil sa paggamit ng paputok; at ilan din ang napinsala ng ligaw na bala at pagkalason.
Sa pagpapaputok, napapasama po ang kondisyon ng hangin na sama-sama naman nating nilalanghap. Samaktuwid, isinusugal natin, hindi lamang ang ating kalusugan at buhay—kundi maging ang kapakanan ng iba.
Iniutos na po natin sa Philippine National Police at sa mga katuwang na ahensiya: paigtingin ang pagpapatupad ng batas laban sa ipinagbabawal na mga paputok at hulihin ang mga nagtitinda o gumagamit nito. Gayundin, humihingi po ako ng tulong sa inyo: Huwag na po ninyong tangkilikin ang mga paputok na ito; ipag-alaman din sa kinauukulan ang mga makitang nagtitinda o may tangan ng mga ito.
Nakikiisa din po ako sa Aksyon: Paputok Injury Reduction o APIR campaign ng Department of Health. Ang layunin po: bawasan ang mga nasasaktan at nasusunugan sa pagdiriwang ng bagong taon; ipakilala ang isang panibagong anyo ng selebrasyon.
Maaari po tayong magtipon sa kani-kaniya nating mga pasyalan at plaza upang panoorin ang mga fireworks display na isinasagawa ng ating munisipyo at ng pribadong sektor. Maaari ring mag-ingay sa ibang paraan—sa kalampag, sa torotot, o sa tugtugin. Ligtas na paraan po ang mga ito.
Ngayong paganda na nang paganda ang sitwasyon natin, tatangkilikin mo ba ang mga paputok na may pangalang Goodbye Philippines o Goodbye Universe?
Hindi po ba’t mas mabuting salubungin ang taon nang Goodbye Kapahamakan, at Hello Pagbabago?
Panahon na nga po ng bagong pag-iisip. Sama-sama nating salubungin ang bagong taon nang ligtas—nang may pagpapahalaga sa buhay at sa kapaligiran. Magdiwang tayo kipkip ang mga babala ng DOH at ng buong pamahalaan upang makaiwas sa disgrasya.
Maraming salamat; masaganang bagong taon po sa ating lahat.