
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 8, 2012) – Isinugal ng mga bumbero ang kanilang buhay upang mailigtas ang isang mag-ina na nakulong sa kanilang unit matapos na masunog ang himpilan ng Manila Broadcasting Corporation sa ika-apat na palapag ng gusali sa Zamboanga City.
Hindi naman agad mabatid ang nationality ng mag-inang nailigtas kagabi dahil ang gusali ay tinitirhan rin ng mga Koreans at Chinese, at mga Pilipino. Nasa ika-6 na palapag ang mag-ina ng sila’y makulong.
Sinabi naman naman ni Supt. Dominador Zabala, ang hepe ng Bureau of Fire sa Zamboanga City, na nagsimula ang apoy sa himpilan ng Hot FM at ayon sa inisyal na imbestigasyon nito ay faulty electrical wiring ang pinagmulan ng sunog.
Nutunton ang pinagmulan ng apoy mula sa isang outlet na katabi ng sofa bed.
“Mabuti na lamang at nailigtas natin yun mag-ina at wala naman inulat na nasaktan sa gusali. Hysterical na nga yun babae dahil sa sunog, pero okay naman silang mag-ina,” ani Zabala sa panayam ng Mindanao Examiner.
Naganap ang sunog sa Jose Go Huilo Building sa Tomas Claudio Street na pagaari umano ni Seferino Go. Naagapan rin agad na kumalat ang apoy dahil sa mabilis na pag-responde ng mga bumbero sa sunog.
Nanawagan naman si Zabal sa publiko na pag-ingatan ang kanilang mga electrical outlets at huwag iiwan ang anumang appliances na umaandar kung walang tao sa kanilang mga bahay upang maiwasan ang overheating nito na siyang pinagmumulan ng sunog. (Mindanao Examiner)