PATULOY ANG pagsuko at pagbabalik-loob sa gobyerno ng ilan pang miyembro ng rebeldeng grupong Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) sa rehiyon ng Caraga.
Ito ay sa harap ng pagpapatupad ng Executive Order 70 o ang whole-of-nation approach sa pagsugpo ng insuhensiya sa rehiyon.
Sa pagbisita ng mga kawani ng gobyerno sa Zapanta Valley, Barangay Bangonay sa bayan ng Kitcharao, Agusan del Norte, isiniwalat ng mga dating miyembro ng rebeldeng grupo ang kanilang mapait na karanasan at paghihinayang sa mahabang panahon na kanilang iginugol sa nasabing grupo.
Ayon kay Datu Lando Adlangan, dating courier at supporter ng NPA, nanghihinayang siya sa panahong inilaan niya sa rebeldeng grupo na sana ay naibigay niya sa kanyang pamilya.
Dagsag pa ni Adlangan, walang magandang naidulot sa kanyang buhay ang pag-anib sa makakaliwang grupo.
Nanawagan din siya sa iba niyang kasama sa tribu na nalinlang ng NPA na sumuko na at mamuhay ng mapayapa kasama ang kani-kanilang pamilya at magkaroon ng maayos na hanapbuhay.
“Kung makikita ko lang yung mga kasama ko sa tribu na sumusuporta pa sa NPA ngayon, kokombinsihin ko talaga silang bumaba na at mamuhay na nang tahimik kasama ang pamilya nila,” sabi ni Adlangan.
Pagsisisi rin ang naramdaman ni Ging-Ging Adlagan, dating secretary ng grupong Kasalo dahil sa kanyang pagiging aktibo nuon sa kalakaran ng grupo. Walang katuturan aniya ang kanyang pagsali sa rally at ‘operation bakwit’ ng NPA.
Masaya na siya ngayon kasama ang kanyang pamilya at sa tulong na ibinigay ng gobyerno sa mga katulad niyang former rebel. “Marami na talagang magandang pagbabago sa aming lugar at marami na ring naibigay na tulong ang pamahalaan ditto sa pamamagitan ng mga programa’t proyekto dito sa Zapanta Valley,” pahayag ni Adlangan.
Marami rin sa mga dating rebelde at mga lokal na residente ang nagpasalamat sa mga programa’t proyektong nailunsad ng gobyerno sa Zapanta Valley na ngayon ay napapakinabangan na nila.
“Nagpapasalamat kami sa malasakit at sa patuloy na pagtulong ng gobyerno sa aming luagr at sa tribu. Maganda na an gaming buhay mula nang tumiwalag na kami sa NPA,” sabi ni Brando Fernandez, chairperson ng Zapanta Bisaya Organization.
Samantala, binigyang-diin ni regional director Manuel Ordña ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na layon ng gobyerno na matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan partikular na sa mga rebel-infested areas.(By Jennifer P. Gaitano)