
SULU (Mindanao Examiner / June 20, 2014) – Pinuri ng mga dayuhan na bumisita sa Sulu ang kagandahan ng lalawigan at ang liderato nito matapos na masaksihan ang maayos na pamamalakad ng pamahalaan dito.
Nag courtesy call rin ang apat na mga negosyanteng Arabo kay Sulu Vice Gov. Sakur Tan na siyang officer-in-charge ngayon sa lalawigan. Nais umano ngayon ng mga Arabo na makatulong sa Sulu at mabigyan ng library at paaralan at sapat na guro ang lalawigan, bukod pa sa mga negosyong maaaring ilagay dito.
Nakilala naman ang mga Arabo na sina Ahmad Alhamdan, Saud Alzaram, Othman at Mohammad Alhelo.
Nakipagkita rin kay Vice Gov. Tan ang mga opisyal ng non-governmental organization na Center for Humanitarian Dialogue sa pangunguna ni Ali Saleem, ang Senior Program Manager; at Amelia Venezuela na siyang Finance Manager nito.
Nagpasalamat naman si Vice Gov. Tan sa pagbisita ng mga dayuhan at patunay lamang umano ito ng malaking pagtitiwala ng ibang bansa sa magandang patakaran at pamamahala dito.
Marami pa umanong mga grupo ng negosyante ang inaasahang darating sa Sulu upang pagaralan kung anong mga negosyo ang maaaring ilagay dito na mapapakinabangan rin ng Mindanao at kalapit na bansang Malaysia at Indonesia. (Franzie Sali)