
Ilang mga residente sa Zamboanga City ang nagsilikas sa kasagsagan ng sagupaan sa pagitan ng militar at rebelde noong Septyembre. (Mindanao Examiner Photo)
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Oct. 24, 2013) – Nalimas ng husto ang mga kabahayan sa isang lugar sa Zamboanga City na kung saan ay nagsagupaan ang militar at rebeldeng Moro National Liberation Front noong nakaraang buwan at halos madurog naman ang puso ng mga residente ng madatnan ang kanilang mga tahanan na wala ng laman.
Naunang pinabalik ng mga awtoridad ang mga residente sa Barangay Santa Catalina matapos sa isinagawang clearing operations ng mga sundalo at parak, ngunit bumungad naman sa kanila ang mga wasak na aparador at nagkalat na mga damit at ilang kagamitan. Pati umano washing machine at freezer ay tinangay rin ng mga magnanakaw.
Hindi naman mabatid kung sino ang nagnakaw sa mga kabahayan dahil doon rin nagtago ang mga rebelde at sinamantala rin ito ng ilang mga sibilyan at matapos ng tatlong linggong sagupaan ay militar naman ang pumasok at sinundan ito ng mga parak.
Sa kasagsagan ng labanan ay maraming mga rebelde ang nahuli ng militar na may bitbit na salapi at alahas, ngunit maging sundalo ay sumabit rin sa nakawan matapos na mag reklamo ang isang konsehal na pinagnakawan ang kanilang bahay ng salapi at alahas, at maging baril ay tinangay rin.
Isang paaralan rin na ginamit ng militar sa kanilang pag-atake sa mga rebelde ang pinagnakawan ng salapi at mga computers, ayon sa may-ari nito. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at militar sa mga reklamong natatanggap. Maging ang ibang mga barangay na naging sentro ng labanan at ganoon rin ang reklamo ng mga residente. (Mindanao Examiner)