
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Feb. 24, 2012) – Muling minura ni Davao City Vice Mayor Rodrigo Duterte ang mga umano’y human rights group na siyang nangunguna sa pagbabatikos sa kaliwa’t-kanang pamamaslang sa naturang lugar.
Matinding pagbabatikos ang inaabot ni Duterte mula sa ilang mga human rights groups dahil sa pagiging vocal nito sa kanyang magustuhan na malinis ang lungsod mula sa masasamang elemento.
“Itong mga human rights na ito, mga p…g i….g ito…sasabihin agad na sinalvage ng mga pulis…,” ani Duterte sa panayam sa mga mamamahayag.
Nagbigay naman ng quota si Duterte sa pulisya na kailangan ay 10 magnanakaw bawat araw ang kanilang madakip at mas mainam umano ay kung mapatay ang mga ito dahil makakapag-piyansa lamang ang mga ito at muling uulit sa kanilang krimen.
“May quota sila sa akin, ten holduppers a day, kung hindi ipa-assign ko sila sa Tawi-Tawi. Mas maganda kung patay kasi uulit lang iyan eh. Pag hindi niya pinatay, bailable ‘yan eh, pwedeng mag-pyansa and will commit the crime in another day,” wika pa ni Duterte matapos na tignan ng personal ang bangkay ng isang snatcher na napatay ng mga parak sa isang operasyon sa Davao City kamakalawan ng gabi.
Maging ang biktimang si Feby Abrille, na isang estudyante, ay naroon rin upang kilalanin ang nasawing kriminal. Positibo naman itong kinilala ni Abrille at naibalik pa ni Duterte sa babae ang ninakaw na bag sa kanya ng snatcher.
Nagbabala rin ito sa mga kriminal at magnanakaw. “Those who lived violently will always die violently also,” ani Duterte.
Binigyan rin ni Duterte ng reward ang pulisya sa pagkakapatay sa snatcher. “Mayroon silang premyo sa akin,” sabi pa ng opisyal.
Pabor naman ang publiko sa kagustuhan ni Duterte na malinis ang Davao at panatihin itong tahimik at ligtas sa lahat.
Maging mga suspek sa terorismo at pambobomba tulad ni Temogen Tulawie alias Cocoy, na nadakip sa Davao City matapos ng halos dalawang taon pagtatago, ay ipinagtatanggol rin ng ilang mga human rights groups, ngunit dedma naman ang mga ito sa lahat ng biktima ng pagsabog na sumisigaw ng hustisya. (Mindanao Examiner)