
Si Moro National Liberation Front leader Nur Misuari ng makipagkita ito kay Bangsamoro Islamic Freedom Movement chairman Sheik Ameril Umra Kato sa Camp Al-Farouk sa Maguindanao province nuong November 2011. (Mindanao Examiner Photo – Mark Navales)
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Oct. 10, 2012) – Binalewala lamang ng Moro Islamic Liberation Front ang banta ni Nur Misuai, lider ng isang paskyon ng Moro National Liberation Front, sa banta nitong posibleng magkaroon ng kaguluhan sa Mindanao dahil sa pagbuo ng Bangsamoro.
Ang Bangsamoro ang siyang magiging kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao at ilang lugar pa sa Lanao del Norte at North Cotabato ang mapapabilang dito kung tuluyang magkakaroon ng peace accord sa pagitan ng pamahalaang Aquino at MILF.
“Maingay lang itong si Misuari dahil ang aming ipinaglalaban ay ang tunay na karapatan ng mga Muslim sa bansa, at hindi lamang ang isang tribo tulad ng Tausug na siyang grupo nitong si Nur kundi ang buong Bangsamoro people,” ani Commander Black Jack, ng MILF sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Hindi naman agad makunan ng pahayag si MILF chieftain Murad Ebrahim ukol sa aksyon na gagawin ng MILF sakaling magkaroon ng kagukluhan sa Mindanao. Matagal ng tutol si Misuari sa peace talks ng pamahalaan sa MILF, na ngayon ay siyang pinakamalaking grupo ng mga rebeldeng Muslim sa bansa.
Ilang beses na rin binatikos ni Misuari ang naturang peace talks at katunayan ay nakipag-alyansa pa ito sa breakaway group ni Ameril Umra Kato na tumiwalag sa MILF dahil sa naudlot na Muslim homeland deal sa pamahalaan.
Ngunit binatikos rin ng mga rebeldeng MILF si Misuari at sinabing bigo ito sa kanyang panunungkulan noon sa ARMM bilang gobernador dahil nalunod umano ito sa kapangyarihan.
Ilang rin umano itong tumakbo sa Sulu province bilang gobernador, ngunit lagi naman kulelat.
Naghain na naman si Misuari ng kanyang kandidatura bilang gobernador sa ARMM sa darating na halalan. (Mindanao Examiner)