MAGUINDANAO – Muling iginiit ng Moro Islamic Liberation Front na hindi nito kailanman isusuko ang mga rebeldeng sangkot sa pamamaslang ng 44 Special Action Force commandos sa lalawigan ng Maguindanao sa magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Mismong si Murad Ebrahim, ang lider ng MILF, ang nagsabi na may sariling batas ang rebeldeng grupo at ito ang magiging batayan ng anumang hakbang na maaaring ipataw sa mga nasa likod ng madugong sagupaan sa SAF.
Ngunit hindi naman sinabi ni Murad kung papatawan nga ba nila ng parusa ang mga rebelde, subali’t ilang ulit na rin sinabi nito na walang pagkakasala ang MILF dahil ang SAF diumano ang siyang lumabag sa cease-fire agreement ng pasukin ng mga commandos ang kuta ng rebeldeng grupo sa Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano noon Enero 25 na kung saan ay napatay ng mga ito si Malaysian bomber Zulkifli bin Hir.
Sa imbestigasyon ng pulisya ay lumabas na pinagtulungan ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang SAF commandos hanggang sila ay mapatay.
Hindi rin sinabi ni Murad kung ilan rebeldeng MILF ang sangkot sa pagpatay sa SAF commandos. Bukod rito ay hindi rin ibibigay ng MILF sa pamahalaang Aquino ang full report nito sa Mamasapano clash at tanging executive summary lamang dahil “internal” lamang umano ito sa central committee. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News