
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Dec. 23, 2012) – Patay ang isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front matapos itong masabugan ng sariling granada sa bayan ng Datu Abdulah Sangki sa lalawigan ng Maguindanao.
Sa ulat ng 6th Infantry Division ay nakilala ang biktima na si Teng Said, 48, at naka-destino sa 105th Base Command sa bayan ng Sultan Sa Barongis.
Nagkalasog-lasog umano ang katawan nito dahil sa lakas ng pagkakasabog ng granada ng matagpuan ng mga kapit-bahay.
Hindi pa mabatid ang tunay na naganap o kung ito ba ang nagpakamatay o aksidenteng natanggal ang pin ng kanyang granada.
Walang ibinigay na pahayag ang pamunuan ng rebeldeng grupo ukol sa naganap.
Ang MILF ay kasalukuyang may peace talks sa pamahalaang Aquino. (Mindanao Examiner)