
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / June 3, 2012) – Mariing tinututulan ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang proposal na i-privatize ang Agus-Pulangui hydropower plant sa Mindanao.
Ang Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. ng pamahalaang Aquino (PSALM) ang nagsusulong na maibenta sa pribadong kumpanya ang hydropower facility dahil mataas na umano ang maintenance cost nito at nalulugi na rin.
Ngunit taon-taon ay kumikita ang hydropower plant ng hanggang P8 bilyon, ngunit ginagamit naman ng pamahalaan ang salapi para sa ibang mga naluluging proyekto.
Sinabi ni Mihammad Ameen, ang MILF Secretariat, na karapatan umano ng rebeldeng grupo na pangalagaan ang interest ng Mindanao. Malaking bahagi rin ng Mindanao ang inaako ng MILF bilang ancestral domain ng mga Muslim sa rehiyon.
“We do not want to deal with any vested interest groups; we want the issue of ancestral domain settled with the government in the current talks,” ani Ameen.
Maging ang Mindanao Development Authority ay tutol rin sa privatization ng hydropower plant dahil malaki ang pakinabang nito sa pagbibigay ng kuryente sa buong Mindanao.
Halos 1,000 MW ang kuryenteng nakukuha sa naturang hydropower plant na siyang nagsu-supply ng power sa mahigit kalahati ng buong Mindanao. (Mindanao Examiner)