
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 11, 2012) – Nagbabala sa publiko ang Moro Islamic Liberation Front sa umano’y umarangkada ang recruitment sa ibat-ibang lugar sa Western Mindanao para sa police force ng Bangsamoro autonomous region.
Ito’y matapos na kumalat ang balitang may mga grupong nagiikot sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at nagaalok sa mga Muslim na interesadong maging bahagi ng Bangsamoro Police.
Nabatid pang sumisingil ng halos P2,500 bawat isang aplikante ang sindikato bilang processing fees sa mga aplikante.
Matatandaang lumagda ang MILF at pamahalaang Aquino ng Framework Agreement at ang Bangsamoro ang siyang ipapalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Maguindanao, Lanao del Sur, at ang lungsod ng Marawi at Lamitan.
Ang MILF ay isang breakaway faction ng Moro National Liberation Front na lumagda ng peace agreement sa pamahalaan nuong 1996. (Mindanao Examiner)