
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / May 5, 2012) – Wala pa rin napipisil ang Moro Islamic Liberation Front na kapalit ng isa sa mga respetadong lider nito na si Aleem Abdul-Aziz Mimbantas matapos na atakihin umano sa puso habang pauwi sa kanyang kampo sa Mindanao.
Unang nabalita na na-stroke si Mimbantas nuong Huwebes ng gabi, ngunit nilinaw naman ng MILF na heart attack ang ikinamatay nito. Nailibing na rin si Mimbantas ng naaayon sa kinaugalian ng mga Muslim.
Si Mimbantas ang tumatayong MILF vice chairman for military affairs. Ngunit pansamantalang hawak naman ni MILF chieftain Murad Ebrahim ang naturang posisyon hanggang sa makapag-desisyon ang MILF central committee kung sino ang ipapalit kay Mimbantas.
“In accordance with Islamic prescription, the departed MILF Vice Chairman for Military Affairs Aleem Abdul-Azis Mimbantas was buried May 4 less than 24 hours he was pronounced dead in still undisclosed hospital in Mindanao. Acting on his wishes long before he died, he was laid to rest near the grave of the late MILF Chairman Ustadz Salamat Hashim somewhere in the jungle of Lanao del Sur,” pahayag pa ng MILF.
Si Hashim ay namatay rin sanhi ng heart attack nuong Hulyo 3, 2003.
Bumuhos rin ng pakikidalamhati ang ibat-ibang mga grupo at personalidad sa biglaang pagkamatay ni Mimbantas. Maging si chief government peace negotiator Marvic Leonen ay nagpadala rin ng mensahe ng pakikidalamhati sa pamilya ni Mimbantaz at MILF.
“I wish to extend condolences from myself personally and on behalf of the GPH panel to the family of Alim Mimbantas and the MILF. He was a man that lives his principles. A true leader and statesperson,” ani Leonen. (Mindanao Examiner)