
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Dec. 18, 2012) – Pormal ng inanunsyo ng militar sa Mindanao ang 18-araw na cease-fire nito sa New People’s Army, ngunit nagbabala naman na hindi titigil ang mga tropa sa kanilang seguridad sa publiko at sibilyan.
Magtatapos ang unilateral cease-fire ng militar sa Enero 3, ayon kay Lt. Col. Lyndon Paniza, ang spokesman ng 10th Infantry Division. Sinabi nito na susunod ang mga tropa ng militar sa Mindanao sa ipinatutupad na suspension of military operations ng pamahalaan.
Layunin rin ng cease-fire na pagtuunan ng kaukulang pansin ang relief operations ng pamahalaan at militar sa mga nasalanta ng bagyong Pablo nitong Disyembre 4 sa Mindanao, partikular sa Compostela Valley at Davao region.
“Troops would abide by the truce, but (we) will continue to conduct security measures to ensure safety and security of civilians. Our mandate to protect civilian communities will remain on top of our priorities as we continue to provide assistance in the relief mission with the local government units and stakeholders,” ani Paniza sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Naunang sinabi ni Armed Forces spokesman Lt. Col. Arnulfo Burgos, Jr. na ang cease-fire na nagsimula kamakalawa lamang ay isang hakbang ng pamahalaan at hindi dahil sa truce na inilatag rin ng NPA.
Matatandaang unang naglabas ng unilateral truce ang mag rebelde nitong Disyembre 5 at magtatagal hanggang sa Enero 3 rin. Abala rin ang mga rebelde sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo.
“The 18-day unilateral ceasefire is a privilege given to rebels but it does not restrict the military from doing its security routines, excluding the conduct of deliberate military offensive, such as combat operation,” wika naman ni Burgos.
Matagal na nakikibaka ang NPA upang maitatag ang sarili nitong estado sa bansa. (Mindanao Examiner)