
MANILA (Mindanao Examiner / June 17, 2014) – Sinuspende umano ni Environmental Management Bureau Region 3 Director Normelyn Claudio ang hauling operations ng Benguet Nickel Mineral Inc. at Eramen Minerals Inc. dahil sa bintang na pagsira ng mga ito sa kapaligiran at kabuhayan ng mga mamamayan sa bayan ng Santa Cruz sa lalawigan ng Zambales.
Ang desisyon na ito ay bunga diumano ng walang humpay na kampanya ng Concerned Citizens of Santa Cruz, Zambales (CCOS) na tatlong taon ng tumututol sa mapanirang operasyon ng mga minero sa Santa Cruz at Candelaria.
Ang mga inirereklamo ng CCOS ay ang pagkasira ng mahigit na 300 ektarya ng sakahan; 200 ektarya ng palisdaan; pagbaba ng ani mga magsasaka sa 70 kaban kada ektarya mula sa dating 100; pagbaba ng produksyon ng pinakamahusay na mangga sa buong mundo na matatagpuan lamang sa Hilagang Zambales;pagaksira ng halos lahat sapa at ilog sa Sta. Cruz; pagkasira ng baybay dagat.
At ang pagbagsak ng huli ng mga mangingisda sa dagat; pagakwala ng huling isda at iba pang yamang tubig sa mga sapa at ilog; pagkasira ng mga kalsada; pagkakasakit ng mga tao at marami pang iba.
Ang suspensyon ng EMB sa naturang operasyon ngf minahanay malugod naman tinatanggap ng CCOS dahil umano’y napatunayan ng mga mamamayan na mayroon silang magagawa laban sa mapanirang pagmimina; napatunayan ng mamamayan na matagal na silang niloloko ng mga opisyales at ng mga minero sa pagpapaniwala sa kanila na wala silang magagawa laban sa pagmimina dahil ang permit ay galing sa pambansang gobyerno kahit kapalit nito ay perwisyo sa mga sibilyan.
Nakita din umano ng mamamayan na sa sama-sama nilang pagkilos ay maipagtatanggol nila ang kanilang karapatan at mga kagalingan, kabuhayan, kaayusan ng kapaligiran, at ang tahanan ng kanilang salinlahi at dahil sa tagumpay na ito ay lalong lalakas ang tiwala ng mamamayan sa kanilang mga sarili na may magagawa sila laban sa mga dambuhalang umaapi sa kanila.
Ang suspensyon ay mananatili hanggat hindi naaayos ng mga minero ang kanilang mga perwisyo lalo na ang mga sakahan, palaisdaan, mga sapa at mga ilog, at baybay dagat at walang klarong planong pag-ayos at rehabilitasyon sa iba pang mnaperwisyo; walang maayos na pagtupad sa iba pang kundisyon na nailataga na noon pang ika-2 ng Mayo.
Marami pa ang kakulangan sa order na ito tulad ng pag-aayos ng mga kalsada, pagrerehab ng mga nasirang corals, pagsagot sa mga gastusin ng mga taong nagkakasakit at iba pa.
Dahil sa mga ito ang CCOS ay patuloy na nananawagan sa mamamayan ng Santa Cruz at Candelaria na ipagpatuloy ang laban sa lahat ng minero at iba pang mga grupo na sumisira sa ating kapaligiran at buhay.
Nananawagan din tayo sa mga kagawaran ng gobyerno na gawin ang nararapat upang mapangalagaan ang yaman at mamamayan ng dalawang bayan.
Hindi naman agad makunan ng pahayag ang Benguet Nickel Mineral Inc. at Eramen Minerals Inc. ukol sa mga bintang at akusasyon ng CCOS.