
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 13, 2012) – Sinalanta ng malakas na ulan ang ilang lugar sa Zamboanga Peninsula na nagresulta sa pagtaas ng mga tubig sa ilog at pagbaha sa mga ibat-ibang barangay.
Walang nasawi sa Zamboanga Peninsula sanhi ng flash floods, ngunit ayon sa mga ibang ulat ay isa ang nalunod sa bayan ng Santa Cruz sa Davao del Sur at isa rin sa lungsod ng Digos.
May nawawalang lalaki rin umano sa bayan ng North Cotabato matapos itong matangay ng rumaragasang agos ng tubig sa ilog ng bayan ng Makilala.
Ilang beses ng nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration sa publiko na umiwas sa mga tabing-ilog at paanan ng bundok sa tuwing may makakas na ulan dahil sa nakaambang peligro ng flash floods.
Ang masamang panahon sa Mindanao ay epekto naman ng inter-tropical convergence zone, ngunit wala naman inulat na bagyo ang naturang ahensya.
Sa kabila naman ng pag-ulan sa Zamboanga ay tuloy naman ang pagaaspalto ng City Engineer’s Office sa mga lubak-lubak na kalsada dito. Sinabi ni Engr. Vicente Despalo na ang madalas na pagbuhos ng ulan ang pangunahing dahilan ng pagkasira ng mga kalsadang may lumang aspalto.
“Dahil sa ulan kaya maraming kalsada ngayon ang butas-butas, pero tuloy-tuloy naman ang ating repair dito,” ani Despalo sa panayam ng Mindanao Examiner. (Mindanao Examiner)