
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 3, 2012) – Mistulang may phobia na ang mga residente sa Mindanao sa tuwing magkakaroon ng bagyo matapos ng ilang kalamidad ang humagupit sa nasabing rehiyon sa katimugan.
Takot na ang mga ito matapos na marami ang nasawi sa bagyong Pablo na rumagasa sa Compostela Valley at Davao region.
“Nakakatakot ang bagyo ngayon at kailangan ay lagi tayong handa. Dapat may first aid, flash lights at pagkain para siguradong ligtas kung sakaling may malakas na bagyo tulad nuong nangyari sa bagyong Pablo na marami ang namatay,” ani ginang Jeng Fernandez sa Zamboanga.
Ngayon ay todo ang paalala ng Cost Guard at Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration matapos na pasukin ng bagyong ‘Auring’ ang rehiyon at ilang mga bayan na rin ang apektado ng malakas na pag-ulan.
Sa ulat ng PAGASA ay nahagip na ng bagyo ang Lanao del Norte at Lanao del Sur, gayun rin ang lalawigan ng Misamis Occidental at Zamboanga Peninsula na kinabibilangan ng Zamboanga City, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur at Zamboanga del Norte. At maging ang Basilan at Sulu ay hindi rin nakalipgtas sa hagupit ng bagyo.
Nagbabala na ang ahensya sa mga residenteng nakatira sa mga paanan ng bundok at ilog o baybayin dagat na lumikas na dahil sa posibleng landslides at flash floods.
Ipinag-bawal na rin ng Coast Guard ang paglalayag ng mga barko dahil sa nagbabantan panganib dala ng malalas na ulan at hangin.
Isang ferry na ang muntik humambalos sa seawall sa Dumaguete City matapois itong bayuhin ng malalaking alon. Nakilala naman ito na ang Zamboanga Ferry at nailigtas naman ang mga pasahero nito. (Mindanao Examiner)