
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Nov. 5, 2012) – Umabot na sa 58 ang bilang ng mga pasaherong sugatan o nasaktan matapos na sumalpok sa isang malaking puno ang mini-bus na kanilang sinasakyan sa Misamis Oriental province sa northern Mindanao.
Sinasabing overloaded ang bus ng maganap ang aksidente. Ayon naman sa ulat ng pulisya ay sumabog ang gulong ng bus at nawalan ng kontrol ang driver kung kaya’t humampas ito sa puno sa Barangay Jampason sa bayan ng Jasaan nitong nakaraang Linggo lamang.
Ilan sa mga pasahero ang sinasabing nasa kritikal na kondisyon sa pagamutan sa Cagayan de Oro dahil sa pinsalang tinanggap mula sa aksidente. Kabilang sa mga ito ay ang driver mismo ng bus na si Roger Macabinlar.
Patungo umano sa Cagayan de Oro City ang bus, ayon sa pulisya. (Mindanao Examiner)