TAWI-TAWI – Nais umano ng mga environmentalists at ibat-ibang nongovernmental organizations na nagsusulong ng proteksyon sa kalikasan na paimbestigahan at tuluyan ipatigil ang lahat ng nickel mining activities sa Tawi-Tawi province.
Partikular umano ito sa munisipyo ng Languyan na kung saan ay talamak ang pagmimina doon at sa China ang bagsak ng lahat ng mga umano’y nickel na nakukuha sa nasabing lugar. At nabatid na malaking bahagi ng munisipyo ay nawasak na rin dahil sa nasabing pagmimina.
Nagbabala naman ang mga environmentalists na posibleng lumala pa ang sitwasyon sa Languyan dahil sa patuloy na pagmimina doon. Nanawagan ang mga ito kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez na agad magpunta sa Tawi-Tawi upang makita ng personal ang pagkasira ng kalisakasan doon.
Mistulang may “smorgasboard” umano ng nickel mining activities sa Languyan at maging ang munisipyo ng Panglima Sugala ay nanganganib na rin. Nilalagare naman ng mga dambuhalang barges na nagkakarga ng mga pulang lupa linggo-linggo ang paghahakot doon.
Nais rin ng mga environmental groups na pa-imbestigahan ang mga taong nasa likod ng mga kumpanya ng nickel mining activities sa Tawi-Tawi upang mabatid kung sino-sino ang mga ito at kung may mga pulitiko at kung sila ba ay nagbabayad ng tumpak na buwis sa pamahalaan.
Hindi naman agad makunan ng pahayag si Lopez ukol dito o kung nakarating na ba ito sa kanyang kaalaman. Naunang ipinag-utos ni Lopez ang audit sa lahat ng mining activities sa buong bansa. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://web.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper