KIDAPAWAN CITY – Muli na namang binulabog ng bomb scare ang bayan ng M’lang sa North Cotabato ng kahapon ng umaga matapos na matagpuan doon ang mga hinihinalang improvised explosive device.
Ayon sa pulisya, isang kulay itim na bag ang iniwan ng dalawang di-pa nakilalang lalaki sa labas ng Arcylyn store sa highway sa Purok Maharlika sa Barangay Bagontapay. Agad namang nagsagawa ng on-sight disruption ang Explosive Ordnance Disposal team mula sa Cotabato Police Provincial Office.
Napag-alaman na ang nasabing bag ay naglalaman ng kulay itim na cellphone, canister na may electrical tape, mga pako at basag na bote na magsisilbing shrapnel at mga bala ng M16 at M14 rifles.
Ito na ang pangalawang beses na binulabog ng bomb scare angbayan, ang una ay noong nakaraang linggo lamang kung saan isang kahina-hinalang bag ang iniwan malapit sa isang tindahan sa Magsaysay Avenue.
Inilagay ang IED malapit sa mga pasahero na nag-aantay ng masasakyan papuntang bayan ng Tulunan at mabilis naman itong kinurdon ng mga pulis ang lugar at saka idinetonate gamit ang water disruptor. Ang IED ay ginamitan ng black powder, mga pako at bubog at cellphone bilang triggering device.
Ayon kay Mayor Russel Abonado ng Mlang, malinaw na pananakot lamang ang ginawang pag-iwan ng suspected baggage sa sa bayan. Katatapos lamang ng selebrasyon sa M’lang para sa founding anniversary ng bayan. (Rhoderick Benez)