
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Mar. 25, 2012) – Sumiklab na naman ang sigalot sa pagitan ng magkaaway na lider ng Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front sa North Cotabato sa magulong rehiyon ng Mindanao.
Matagal ng may alitan sina Commander Teo ng MNLF at Commander Karim ng MILF sa bayan ng Carmen dahil sa away sa lupain at kontrol ng kanilang puwersa sa nasabing lugar.
Halos isang linggo na ang sporadic fighting sa pagitan ng dalawang grupo, ayon sa militar, ngunit hindi pa matiyak ang tumpak na bilang ng mga nasawi o sugatan dahil halos wala ng mga sibilyan sa ilang sitio ng Barangay Tonganon, ang lugar na kung saan ay huling nagsagupaan ang dalawang grupo.
Ilang kabahayan na rin ang nasunog sa nasabing lugar na mistulang “ghost town” na.
Daan-daang pamilya na umano ang nagsilikas sa lugar sa takot na maipit sa kaguluhan o kaya ay mapagkamalang mga tagasunod ng MNLF o MILF. Ilang ulit na rin nagkaroon ng tanggka ng mga liderato ng dalawang grupo na pagkasunduin sina Teo at Karim, subali’t bigo ang naturang pagsisikap.
Ilang ulit na rin nagbabala ang militar na aarestuhin ang mga nagaaway subali’t bigo rin ito na mapatigil ang labanan. (Mindanao Examiner)