
ZAMBOANGA CITY – Nagmistulang piyesta kahapon sa mga gasolinahan ng Phoenix Petroleum Philippines matapos itong mag-alok ng P10 kada litro ng gasolina at diesel bilang pasasalamat sa publiko sa kanilang 10th Year Listing Anniversary.
Halos umabot ng kalahating kilometro ang haba ng pila ng mga motorista sa paligid ng mga gasolinahan nito. Marami ang natuwa at nagpasalamat sa biyayang ibinigay ng Phoenix Petroleum. Nagtagal lamang ng dalawang oras ang special offer ng Davao City oil company na Phoenix Petroleum at nagtapos ito ng alas 12 ng tanghali.
“Aba eh malaking tulong ito sa amin. Imagine sampung piso lang ang litro ng gasolina at kaya nga full talk ang pinakarga ko at bente singko pesos lang ang ginastos ko,” ani Boyet Santos, isang tricycle driver.
Bagama’t marami ang hindi na umabot sa deadline ay mura pa rin ang presyo ng gasolina at diesel sa Phoenix Petroleum kung ihahambing sa ibang mga oil giant tulad ng Petron, Caltex at Shell.
“Buti pa itong Phoenix eh nakapaliit na kampanya pero malaki ang naitutulong sa amin kahit paminsan-minsan. Eh itong mga iba, yan Caltex at Petron pati yun Shell ay wala kang maaasahan sa mga iyan at mahal pa ang presyo ng gasolina at diesel nila,” wika naman ni Carlo Sagrado, isang PUJ driver.
Ang special offer ay ginawa sa lahat ng piling gasolinahan ng Phoenix Petroleum sa buong bansa. Noong July 2007 ay inilunsad nito ang kanilang public offering sa Philippine Stock Exchange at ngayon ay may mahigit sa 500 gasolinahan na ito sa bansa. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com /http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share Our News
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper