
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Oct. 11, 2012) – Ganito ang mga batang ito sa tuwing sasapit ang takip-silim sa lungsod ng Zamboanga sa Mindanao at halos hindi alintana ang sakit na makukuha ng kanilang munting katawan mula sa maruming basurahan.
“Ganito po ang ginagawa namin gabi-gabi. Naghahanap po kami ng mga plastic o anumang maaaring ibenta. Tumutulong po kami sa aming mga magulang at mahirap lang po kami,” ani ng isang bata.
Kasama nito ang iba pang mga musmos na tila walang paki-alam sa mundong ginagalawan habang nagkakalkal sa basurahan. “Hindi na kami nagaaral dahil wala naman kaming pera, mahirap lang kami,” wika pa ng isa.
Kasama ng mga bata sa basurahan ang mga naglipanang hayup – daga, kuting at aso – na mistulang mga musmos sa kalye na naghahanap rin ng kanilang pagkain sa bawa’t gabing dumaraan.
“Kawawa naman yun pusang maliit at nakapikit pa yun mata niya, pero iniwan na siya dito sa tambakan,” sabi pa ng isang batang babae, ngunit hindi naman nito makita ang sariling kalagayan at ng kapwa bata sa bawa’t oras at gabi na kanilang ginugugol sa pagkakalkal sa basurahan.
Hindi naman mabatid agad kung bakit pinapayagan ng kanilang mga magulang ang ganitong gawain at ang banta sa kalusugan at buhay ng mga musmos sa lansangan ng Zamboanga, ngunit ilan lamang ang mga tanawing ito sa malaking lungsod. (Mindanao Examiner)