
ZAMBOANGA DEL NORTE – Naabo ang munisipyo ng Sirawai sa Zamboanga del Norte province matapos itong lamunin ng apoy kaninang madaling araw at short circuit umano sa electrical connection ang sinisisi ng awtoridad sa naganap.
Nagsimula umano ang sunog sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development at kumalat ito sa naturang gusali hanggang sa madamay ang munispyo. Nasunog rin ang ibat-ibang sasakyan, kabilang ang isang dump truck at isang police patrol car at tatlong motorsiklo.
Nabatid na nasunog rin ang isang caliber .30 machine gun at walong M16 automatic rifles at isang shot gun, kabilang ang dalawang M203 rifles at isang grenade launcher sa himpilan ng pulisya. Nadamay rin sa sunog ang bahay na pagaari ni Benjamin Caragan na dating parak sa naturang lugar.
Nagtagal ng higit sa dalawang oras ang sunog. Tumulong rin ang mga sundalo upang ma-secure ang kapaligiran habang inaapula ng mga bumbero ang apoy na kumalat sa iba pang mga gusali sa sentro ng bayan. (Mindanao Examiner)