
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 24, 2013) – Nahaharap sa kasong estafa ang isang babae na nagpanggap na university dean dito matapos itong mahuli sa entrapment ng pulisya sa Zamboanga City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Huda Lacbao, 47, na nagpakilala sa kanyang mga biktima bilang si Dean Carla Ochotorena, ng Western Mindanao State University.
Modus operandi ni Lacbao ay manghikayat ng mga gustong mag-enroll sa naturang university kapalit ng salapi. Ngunit nagduda umano ang mga biktima nito kung kaya’t nagsuplong sa pulisya.
Isang entrapment ang isinagawa at nadakip si Lacbao ng mga parak. Nabawi rin sa kanya ang mga marked money. Ayon sa pulisya ay naka-kulekta na ng halos P40,000 ang suspek sa mga naloko nito.
Sinampahan na ng kaso si Lacbao na humingi ng tulong sa Public Attorney’s Office upang maipagtanggol ang sarili sa akusasyon. Kasalukuyang nakapiit si Lacbao sa Zamboanga City Police Office.
Hindi naman agad nakunan ng pahayag ang tunay na Carla Ochotorena, ngunit isang opisyal naman sa pulisya ang asawa nitong si Senior Supt. Ramon Ochotorena. (Mindanao Examiner)