1. Problema sa mata – Kung malabo na ang iyong mata, puwede kang mahilo sa pagbabasa. Kung madalas mag-computer, nakahihilo rin. Dapat ay ipahinga ang mata at tumingin sa malayo para ma-relaks ito. Magpagawa ng salamin o dili kaya’y baguhin na ang grado ng salamin.
2. Problema sa tainga – Nasa tainga kasi natin ang vestibular system kung saan nagmumula ang pakiramdam natin sa balanse at pag-galaw. Kung may dumi o impeksiyon sa tainga, puwede ito magdulot ng matinding pagkahilo (vertigo).
3. High blood o low blood – Kung ika’y may high blood, puwede kang mahilo at manakit ang iyong batok. Kung ikaw naman ay low blood, anemic at maputla, puwede ka rin mahilo. Dapat ang blood pressure natin ay nasa pagitan ng 140/90 ang pinakamataas at 90/60 ang pinakamababa.
4. Nerbiyos at stress – Ang mga nerbiyosong tao ay madalas din mahilo. Kapag kinakabahan, natatakot o nakasaksi ng nakahihindik na bagay, puwede silang mahilo. Ang tawag dito ay panic attack o nerbiyos. Kailangan lang nila na magpahinga at uminom ng pampa-relax.
5. Kulang sa oxygen – Minsan naman ay may nahihilo o nahihimatay sa isang mataong lugar tulad ng simbahan o rally. Dala ito ng matinding init at dami ng tao. Kailangan lang magpahinga, magpahangin at mawawala rin ang hilo.
6. Kulang sa pagkain o anemic. Baka bumaba ang blood sugar dahil hindi kumain.
7. Stroke – Ang istrok ay may matinding pagkahilo at may kasamang panghihina ng isang parte ng katawan. Seryoso itong sakit at kailangan makita agad ng doktor.
Para sa inyong karagdagang katanungan, komunsulta sa inyong doktor.