
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 26, 2012) – Nanawagan sa publiko ngayon ang Zamboanga City Electric Cooperative upang matuldukan ang diumano’y nakawan ng kuryente o illegal tapping sa mga kabahayan.
“Nanawagan po kami sa lahat na ipagbigay alam po lamang sa amin kung may nalalamang mga pilferage sa inyong lugar. Maari kayong tumawag sa amin at sinisigurado po namin na confidential ang lahat,” ani Charito Mabitazan, ang officer-in-charge ngayon ng ZAMCELCO, sa programang Mindanao Examiner Tele-Radyo.
Pinagaaralan rin ngayon ng ZAMCELCO ang pagbibigay ng pabuya sa sinuman makapagsusuplong ng mga nakawan ng kuryente o kaya ay anomalya na kinasasangkutan ng mga tiwaling emplyado.
Si Mabitazan ay itinalaga ng National Electrification Administration bilang Financial Assistant to NEA Project Supervisor na si Engr. Jess Castro, na ngayon ay on-leave.
Ito rin ang sinabi ni Engr. Federico Villar, ang NEA-designated Technical Assistant ni Castro.
Nagpasok ng mga tao ang NEA sa ZAMCELCO matapos na sibakin ang General Manager Reinerio Ramos at ang lahat ng Board of Directors dahil sa diumano’y mga anomalya.
Lubog sa utang ang ZAMCELCO sa kapanahunan ni Ramos, ngunit naisalba naman ito ng NEA. At nababayaran na rin sa oras ng ZAMCELCO ang mga pagkakautang nito sa mga banko at iba pa, ayon kay Mabitazan.
“Dapat po nating bantayan ang ating ZAMCELCO kasi ito po ay sa atin lahat at huwag natin pabayaan ang mga masasamang Gawain,” wika pa ni Mabitazan. (Mindanao Examiner)