
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 11, 2014) – Nabaril at napatay ang isang lalaki matapos nitong pagtatagain ang kanyang sariling kapatid at hipag sa bayan ng Olutanga sa Zamboanga Sibugay province sa Mindanao.
Nabatid na nilusob ni Arkan Amilhasan kamakalawa ng tanghali ang bahay ng kapatid na si Kaser at hipag nitong si Sading at saka sila pinagtataga.
Sinubukan pa ni Sading na tumakas at humingi ng tulong sa mga kapit-bahay, ngunit hinabol rin siya ni Arkan hanggang sa sumaklolo ang isang kamag-anakan ng babae na si Najer at binaril ang lalaki gamit ang M16 automatic rifle.
Dalawang beses binaril si Arkan – sa hita at dibdib – at matapos nito ay agad na tumakas si Najer at dinala naman ng iba pang kapit-bahay ang mag-asawa sa pagamutan dahil sa tinamong mga sugat.
Hindi pa mabatid ang motibo sa pananaga, ngunit posibleng may kinalaman ito sa pamilya, ayon sa militar. (Mindanao Examiner)