PAGADIAN CITY – Tikom pa rin ang bibig ng pamilya ng dinukot na mayor ng bayan ng Naga sa Zamboanga Sibugay province habang patuloy naman ang paghahanap ng pulisya at militar sa biktima.
Pinasok ng mga armado ang bahay ni Mayor Gemma Adana noon nitong buwan lamang at kinaladkad palabas hanggang sa tabing ilog ng naturang bayan. Inginuso ng pulisya ang isang breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front na siyang nasa likod ng krimen.
Hindi naman mabatid ngayon kung saan dinala si Adana – sa Sulu, Basilan o Central Mindanao – ngunit hawak na ng Anti-Kidnapping Task Group ng Philippine National Police ang naturang kaso.
Bukod kay Adana, bihag pa rin ng mga kidnappers ang isang bata at teenager na kanilang dinukot noon Marso 31 sa bayan ng Pitogo sa Zamboanga del Sur. Pinatay naman ng mga kidnapper ang 3-anyos na si Zynielle Jay Garban na kasamahan ng mga biktimang sina Ledegie Tomarong, 17; at Ace Jay Garban, 3.
Hinila ng mga kidnappers ang tatlong biktima matapos na mabigo ang mga itong dukutin ang isang negosyante sa nasabing lugar. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News