COTABATO CITY – Pinasabugan ng granada ngayon araw ang tanggapan ng National Irrigation Administration sa bayan ng Midsayap sa North Cotabato province, ngunit walang inulat na sugatan sa naturang atake ng di-kilalang mga armado.
Dakong alas 5 ng umaga ng sumambulat ang granada na ikinasira naman ng maraming mga salamin sa bintana at nakaparandang mga sasakyan sa labas ng NIA sa Barangay Villarica.
Isang bomba na gawa sa anti-tank rocket ang natagpuan rin sa naturang lugar at agad naman itong dinisarmahan ng mga miyembro ng pulisya at militar na siyang rumesponde sa pagsabog.
Sa ulat ng militar, dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang diumano’y nakita sa labas ng NIA bago naganap ang malakas na pagsabog. Hindi pa masiguro ng militar kung mga rebeldeng New People’s Army o mga extortionist ang nasa likod ng atake. Wala rin umako sa pagsabog.
Naganap ang atake kasabay ng selebrasyon ng 37th Foundation Day ng NIA sa North Cotabato. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News