
SULTAN KUDARAT (Mindanao Examiner / Mar. 6, 2014) – Isa umanong notoryosong tulak ng droga ang nadakip ng mga alagad ng batas matapos na magsagawa ng isang operasyon ang pulisya sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Jerry Sangaban, 30, na nasakote sa Barangay Tumiao sa bayan ng Lambayong, ngunit kinuwestyon naman ng mga kaanak nito at ilang mga residente doon ang isinagawang operasyon.
Iginiit ng pulisya na kilalang tulak sa nasabing bayan si Sangaban at nabawi umano sa kanya ang 37 sachet ng hinihinalang shabu, gayun rin ang isang kalibre .45 pistola, isang magazine at 7 piraso ng bala.
Agad naman ikinulong si Sangaban sa himpilan ng pulisya matapos na gawan ng imbentaryo ang mga nasamsam sa kanya. Sa pagtaya ni P03 Richard Ulangkaya, ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force, sinabi nito sa Mindanao Examiner na aabot sa P100,000 o mahigit pa ang halaga ng mga drogang nabawi kay Sangaban.
Mangiyak-ngiyak naman na sinabi ni Nena (di tunay na pangalan) at ilan pang mga residente sa lugar na umano’y nakita nila ang kabuuan ng pangyayari sa isinagawang operasyon ng pulisya na kung saan ay pinagpapapalo ng baril at sinasakal pa ang suspek. Lumutang rin ang alegasyon na planted ang ebidensyang nakuha sa lugar.
Mariin naman itong itinanggi ng pulisya at sa panayam kay Lim ay sinabi nito na iginagalang nila ang mga pahayag ng aniya’y kaanak ng suspek at handa siyang isailalim ang sinuman sa kanyang mga tauhan na itinuturong gumawa ng hindi naa-ayon sa proseso ng batas.
Tiniyak naman ni Lim na sasampahan nila ng kaso si Sangaban sa paglabag nito sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165. Suportado naman ni Sultan Kudarat Governor Datu Suharto Mangudadatu ang kampanya ng mga awtoridad kontra droga dahil salot ito sa lipunan. (Leo Diaz)