ZAMBOANGA CITY – Hawak ngayon ng mga awtoridad ang isang Abu Sayyaf na sabit sa mga serye ng patayan sa lalawigan ng Sulu matapos itong madakip sa bayan ng Patikul.
Sinabi kahapon ng militar na kasalukuyang nasa ilalim ng interogasyon si Junni Jumala na sabit sa pananambang kay Patikul Vice Jun Tarsum noon nakaraang buwan lamang.
Nabawi kay Jumala ang isang baril at mga bala ng ito’y madakip sa Barangay Umangay nitong Lunes, ngunit hindi pa mabatid kung ano ang misyon nito sa lugar. Naitimbre agad ng mga residente sa awtoridad ang pagdating ni Jumala sa barangay kung kaya’t nadakip ito ng pulisya.
Iniuugnay rin si Jumala sa mga pagpatay sa mga sundalo sa bayan ng Jolo at Patikul. Nadakip si Jumala kasabay ng sagupaan sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf sa Barangay Liang sa naturang bayan na kung saan ay isang rebelde ang nasawi.
Nabawi rin sa labanan ang tatlong automatic rifles at mga bala, kabilang ang dalawang motorsiklo, na naiwan ng mga rebelde sa kanilang pagtakas. Walang inulat na sugatan sa panig ng militar. Nabatid na naglunsad ng operasyon ang Marine Battalion Landing Team 8 sa nasabing bayan ng makasagupa ang isang grupo ng mga rebelde.
Kamakailan lamang ay nakasagupa rin ng mga tropa ang maraming Abu Sayyaf sa naturang lugar at isang tinyente ng army ang nasawi sa labanan.Tatlong bata rin ang tinamaan ng ligaw na bala sa bayan na kilalang kuta ng Abu Sayyaf. Hindi nagbibigay ng anumang pahayag sa media ang alkalde ng Patikul na si Kabir Hayudini sa mga nagaganap sa kanyang lugar. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share The News
https://mindanaoexaminer.com/ad-rates