KIDAPAWAN CITY – Napatay ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army o NPA makaraang makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa Sitio Flortam, Barangay Batasan sa bayan ng Makilala sa North Cotabato.
Kinilala ang nasawi na si Jacob Rodinas, alias Jecko o Velum, at residente ng Barangay Balite sa bayan ng Magpet na umano’y secretary ng Guerilla Front 51.
Sa panayam ng Mindanao Examiner, sinabi ni Lt. Col. Rhojun Rosales, commander ng 39th Infantry Battalion, na ilang mga residente sa lugar ang umano’y nagsumbong sa mga otoridad hinggil sa presensiya sa mga rebeldeng nagpulong-pulong sa lugar. Agad naman tinungo ng mga tropa ang lugar dakong alas-5:00 ng hapon nitong Sabado, ngunit nang makarating sa lugar ay agad naman niratrat ng mga rebelde ang grupo ng mga sundalo.
Dito na nagkaroon ng bakbakan, hanggang sa kinaumagahan ay nakita na lamang ang patay na katawan ni Rodinas sa masukal na bahagi ng Sitio Flortam. Bago ang nasabing bakbakan ay nagka-engkwentro din ang tropa ng militar at mga NPA sa isang Sitio ng Barangay Biangan nitong Biyernes.
Nabatid na si Rodinas ang itinuturong responsable sa pangingikil o extortion sa mga negosyante sa North Cotabato at Davao del Sur. Nahaharap din ito sa kasong arson, extortion, homicide at murder. Ang bangkay ng biktima ay nakalagak ngayon sa Collado Funeral Homes sa Makilala, North Cotabato. (Rhoderick Beñez)