
DAVAO CITY – Dalawang miyembro ng New People’s Army ang kumpirmadong nasawi sa panibagong labanan sa pagitan ng mga rebelde at sundalo sa bayan ng Kapalong sa Davao del Norte.
Sinabi ni army Capt. Alberto Caber, ang spokesman ng Eastern Mindanao Command, na nagkaroon ng labanan sa Barangay Gupitan kamakalawa ng hapon matapos na matiyempuhan ng mga nagpapatrulyang sundalo ng 60th Infantry Battalion ang grupo ng NPA.
Halos isang oras nagtagal ang labanan at natigil lamang ito ng makatakas ang mga rebelde mula sa tropa ng militar. Nabawi naman sa lugar ang apat na automatic rifles, isang improvised explosive device at largabista.
“Walang casualties sa panig ng militar at tuloy-tuloy pa rin ang pursuit operations natin sa order ni Lt. Gen. Aurelio Baladad (ang Eastern Mindanao Command chief),” ani Caber sa Mindanao Examiner.
Sa kabila naman ng order ni Baladad ay hinimok pa rin nito ang mga rebelde na sumuko ng mapayapa sa pamahalaan.
Matagal ng nakikibaka ang NPA sa pamahalaan at paulit-ulit na binansagan ng militar ang naturang grupo na kidnappers, bandido, terorista, extortionists at kung anu-ano pang mga masasamang bansag sa walang humpay na propaganda war ng magkabilang grupo. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com and http://www.mindanaoexaminer.net