CAGAYAN DE ORO CITY – Walang humpay ang opensiba ng militar kontra New People’s Army matapos na lusubin ng mga sundalo at makubkob ang isang kampo ng rebedeng grupo sa Agusan del Sur kamakailan.
Dalawang rebelde ang napatay ng mga tropa sa naturang operasyon sa bayan ng San Luis na kung saan ay natunton ng mga ito ang taguan ng NPA sa Barangay Binicalan. Nabawi ng mga sundalo ang mga bangkay at dalawang armas, ngunit nakasibat naman ang maraming iba sa nasabing labanan.
Walang inulat na nasawi sa panig ng militar at patuloy pa rin kahapon ang operasyon ng mga sundalo laban sa NPA sa lalawigan at iba pang bahagi ng rehiyon. Ang opensiba ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa militar na durugin ang NPA matapos na pumalya ng maraming beses ang peace talks.
Nais ng komunistang grupo na palayain ni Duterte ang lahat ng mga rebeldeng nakapiit sa bilangguan sa buong bansa bilang kondisyon sa isang ceasefire. (Rhoderick Benez)