
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / July 15, 2014) – Sa kabila ng paulit-ulit na pahayag ng militar na wala ng puwersa ang New People’s Army ay muli naman itong umatake ngayon Martes sa bayan ng Prosperidad sa Agusan del Sur na kung saan ay marami umanong nasawi sa panibagong sagupaan.
Hindi bababa sa 10 ang nasawi sa labanan sa Barangay Santa Irene na kung saan ay target umano ng NPA ang isang private armed group na kanilang inakusahan ng pagpatay sa mga sibilyan at kung anu-ano pang mga karahasan.
Sinabi ng NPA na dalawa lamang sa kanilang hanay ang napatay sa labanan, subali’t ayon naman kay Lt. Ryan Layug, ng 26th Infantry Battalion, at hindi bababa sa 5 ang nasawi sa panig ng rebeldeng grupo. Ilang oras rin isinara ng mga awtoridad ang highway na naguugnay sa naturang bayan sa ibang mga lugar dahil sa sagupaan.
Hindi naman makapagbigay agad ng impormasyon ang 4th Infantry Division dahil kinukuha umano nito ang mga ulat sa kanilang ng ground commanders. Wala rin pahayag ang Eastern Mindanao Command ukol sa atake ng NPA na mtagal ng nakikibaka upang maitatag ang sariling estado sa bansa.
Kamakailan lamang ay inatake rin ng NPA ang isang police headquarters sa bayan ng Alegria sa Surigao del Norte province. Dalawang rebelde ang napatay sa sagupaan matapos na lusubin ng NPA ang police station na kung saan ay 2 parak ang sugatan. Apat na pulis rin ang binihag ng NPA na sina PO3 Vic Concon, PO1 Rey Morales, PO1 Joen Zabala at PO1 Edito Roquiño. (Mindanao Examiner)