
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Oct. 22, 2012) – Nagtatago na nga ba si Nur Misuari? Ito ang katanungan ng publiko at media matapos na umano’y lumutang ang balitang may warrants of arrest ito sa mga diumano’y nakaraang kaso sa Mindanao.
Matatandaan ilang taon rin nakulong si Misuari, lider ng isang paksyon ng Moro National Liberation Front, matapos itong akusahan ng rebelyon ng pamahalaang Arroyo dahil sa pagaalsa at atakeng ginawa ng mga miyembro nito sa Jolo at Zamboanga mahigit isang dekada na ang nakaraan.
Naunang sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na bineberipika nila ngayon kung may umiiral na arrest warrant kay Misuari matapos sabihin ng dating rebelde na balak daw siyang ipaaresto ng gobyerno dahil sa kanyang pambabatikos sa Bangsamoro agreement ng Malakanyang sa karibal na Moro Islamic Liberation Front.
“To my knowledge and please do not hold me to this, there are better people in government who can answer this question but we’re checking that particular piece of information kung merong outstanding (arrest warrant),” ani Valte.
Lumagda si Misuari sa isang peace accord sa pamahalaang Ramos nuong September 1996 at naging gobernador ito ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, subali’t nabigo naman ito na mapatakbo ng maayos ang ARMM at ilang ulit nabatikos dahil sa palagiang biyahe sa abroad at panunuluyan sa mga mamahaling hotel habang nagugutom ang mga dating rebelde sa kabundukan sa ibat-ibang panig ng Mindanao.
“Kailangan maintindihan ni PNoy (Pangulong Benigno Aquino) kung talagang siya ay makatarungan. Sinasabi ng OIC (Organization of Islamic Cooperation) na – no single country can have two representations.”
“Tignan ninyo ang ginawa ni (dating Pangulong) Gloria (Arroyo) at ginawa na ang lahat before and they were shuttling between Islamic cities and capitals and others at walang nangyari diyan dahil labag ang kanyang kilos sa mahigpit na patakaran ng OIC that every single country can only have one single representation,” ani Misuari.
Sinabi pa ni Misuari na mayroong 17,000 MILF rebels ang sumanib sa MNLF, ngunit tinawag naman itong propaganda ng MILF.
May bahay si Misuari sa Zamboanga at Sulu province, subali’t hindi na umano ito nagpapakita sa publiko at sikreto na lamang ang pagbibigay ng personal interview sa media. At kalimitan ay cell phone na lamang ang gamit nito sa pagbibigay ng pahayag, ngunit posibleng naka-bugged na rin ito.
Nuong nakaraang Biyernes ay kinansel ni Misuari ang press conference nito sa Hotel Rembrandt sa Quezon City dahil sa pangambang arestuhin siya ng mga awtoridad. (Mindanao Examiner)