
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / May 4, 2012) – Isang babae ang dinakip matapos na umano’y bigong pagtatangka nito na sunugin ang himpilan ng Love Radio FM sa Butuan City sa Mindanao.
Ayon sa mga ulat ay selos umano sa isang disc jockey ang posibleng dahilan ng pagtatangka ng di-pa nakikilalang babae na sinasabing isang masugid na fan. Pinasok umano ng babae ang himpilan dakong alas 8.30 ng gabi ng Huwebes at bitbit nito ang gasolina at saka ibinuhos sa loob.
Sisilaban na sana ng babae ang mga kuwarto, kabilang ang announcer’s booth, sa loob ng himpilan at mabuti na lamang ay agad itong napigilan ng security guard at ilang empleyado ng Love Radio.
Agad rin tumawag ng pulis ang himpilan at ipinadakip ang babae. Kung pupursigihin ng Love Radio ang kaso ay attempted arson ang posibleng kaharapinn ng babae sa korte.
Hindi naman pinangalan ng Love Radio kung sino sa kanilang mga diss jockeys ang napipisil ng babae at kung ano ang nagtulak upang pagtangkaan nitong sunugin ang himpilan. (Mindanao Examiner)