
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Nov. 28, 2012) – Isang opisyal ng Philippine Army na naka-destino sa Zamboanga del Norte province ang nahaharap umano sa court martial kaugnay sa operasyon ng militar kontra New People’s Army.
Iniimbestigahan ng militar ang umano’y panghihimasok ng opisyal sa operasyon ng mga tropa kontra sa mga rebelde. Ipinag-utos diumano ng nasabing opisyal ang pull out ng mga sundalo sa kasagsagan ng operasyon nito kontra NPA, ayon pa sa isang army commander na nagbigay ng impormasyon sa Mindanao Examiner.
Hindi naman agad mabatid kung bakit pinigilan ng naturang opisyal ang mga tropa na sagupain ang isang grupo ng mga rebelde. Tikom naman ang bibig ng ibang opisyal ukol sa court martial proceeding dahil patuloy pa rin ang imbestigasyon dito.
Hindi naman agad mabatid ang pangalan at ranggo ng akusado, subali’t ayon naman sa ibang source ay minsan na rin umanong nakaligtas sa pagdukot ng NPA ang naturang opisyal.
Ang NPA ay nakikibaka para sa sailing estado sa bansa. (Mindanao Examiner)