Makikita sa mga larawang ito na inilabas ni Mayor Beng Climamco ang aftermath ng pambobomba sa bus ng Biel Transit sa Zamboanga City ngayon Setyembre 18, 2015.
ZAMBOANGA CITY – Magbibigay ng pabuya si Zamboanga City Mayor Beng Climaco sa ikadarakip ng bomber na siyang nasa likod ng pagsabog ng isang bus ngayon hapon na ikinamatay ng isang dalagitang Muslim at pagkasugat ng 33 iba.
Nag-alok ng pabuyang P200,000 si Climaco at humihingi ito ng hustisya sa mga biktima ng atake sa bus na pagaari ng Biel Transit.
Nagbigay rin ng tulong ang pamahalaang lokal sa mga biktima ng pagsabog at nanawagan muli si Climaco sa mga kumpanya ng bus na paigtingin ang kanilang inspeksyon sa mga bagahe ng pasahero upang maiwasan ang ganitong uri ng pangyayari.
“We call on all bus companies and all other public conveyance to strictly enforce inspection and other security measures. The City Government is offering P200,000 reward for the capture of the bomber,” ani Climaco.
Pinasabugan ang bus sa pagdating nito sa terminal mula sa Barangay Labuan. Sa lakas ng bomba ay nawasak ang tagiliran at bubungan ng bus.
Kinilala naman ni Climaco ang nasawi na si Fatima Imbriada, 14. “The explosion of Biel bus that injured 33 and killed 14-year old Fatima Imbriada is an act of injustice to innocent civilians,” ani Climaco.
Sinasabing bigong extortion ang dahilan ng motibo, ngunit nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap upang mabatid kung may kinalaman ang Abu Sayyaf sa atakeng naganap dakong alas 2.15 ng hapon sa downtown Zamboanga na ilang bloke lamang sa himpilan ng pulisya.
“Police is taking the lead in investigating this act of extortion in order to bring justice to the victims of the blast,” wika pa ni Climaco.
Walang umako sa pambobomba. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share The News
https://mindanaoexaminer.com/ad-rates