
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 6, 2012) – Blangko pa rin kahapon ang mga awtoridad sa motibo at kung sino ang nasa likod ng pagpapasabog ng granada sa isang paraalan sa Zamboanga City sa western Mindanao.
Sinabi ng pulisya na ang granada ay sumabog mismo sa paaralang elementarya sa magulong barangay ng Mampang kamakalawa ng gabi. Walang inulat na nasaktan, ngunit nagdulot naman ito ng takot at pangamba sa mga residente doon.
Talamak ang patayan sa Mampang dahil sa rido o clan war sa pagitan ng mga magkakatunggaling pamilyang Muslim sa lugar.
Mistulang “ghost town” ang nasabing barangay sa pagsapit ng takip-silim dahil sa nakaambang panganib. Maging mga parak at sundalo, gayun rin ang mga barangay tanod ay bihirang mag-ronda sa lugar dahil sa peligro. (Mindanao Examiner)