
MANILA (Mindanao Examiner / Nov. 28, 2012) – Umalma ang grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) matapos panatilihin ang naunang resolusyong nagpapawalang bisa sa kaso ng pagpatay sa radio broadcaster at environmentalist na si Doc Gerry Ortega laban sa magkapatid na dating Palawan Governor Joel Reyes at Coron Mayor Mario Reyes.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, dapat busisiing mabuti ng Court of Appeals (CA) Special 5th Division kaso ni Ortega bago ideklarang “null and void” ng ang binuong investigating panel ng Department of Justice (DOJ) sa pangunguna ni Secretary Leila de Lima.
Matatandaang muling nag-imbestiga sa krimen si De Lima kung saan idinawit ang mga dating suspek.
Sa paliwanag ng abogado ng mga Reyes na si Ferdinand Topacio, nagpapasalamat umano sila dahil nakakuha sila ng favorable ruling na nagsasabing ang second panel na binuo ni Leila de Lima upang imbestigahan muli ang Ortega murder ay walang bias.
Sa desisyon ng CA, hindi legal ang pagkakabuo ng panel kaya lahat ng gawin ng nasabing panel ay null and void, kaya kinatigan ang unang panel na pinapawalang-sala ang magkapatid na Reyes.
Wala rin umanong bisa ang warrant of arrest na inilabas ng ikalawang panel sa re-investigation kaya Malaya nang makababalik sa bansa ang Reyes Brothers.
Giit naman ni Yap, muling aapela ang mga mamamahayag sa nagging pasya ng CA dahil hindi lamang ang pagkamatay ni Ortega ang kaso dito kundi ang kaso ng media killings na hindi binibigyang pansin ng gobyerno.
Kung palulusutin umano ng batas ang magkapatid na Reyes sa ginawa nilang krimen dahil lamang sa ilang technicalities, lalo lamang lalakas ang loob ng mga pulitikong may mga private army.
Inaakusahan ang magkapatid na Reyes bilang utak sa pagpaslang kay Doc Gerry sa isang ukay-ukay store sa Puerto Princesa City noong Enero 24, 2011.
Natatakot din si Yap na kung makalulusot ang mga Reyes dahil sa mga koneksyon at sa galling ng kanilang mga abugado, baka makalusot din ang Pamilya Ampatuan na isinabit sa brutal na pagpatay sa 58 katao, kabilang ang b32 mamamahayag.
Nitong November 23, ginunita naman ang ikatlong taong anibersaryo ng Maguindanao Massacre. (Nenet Villafana)