KIDAPAWAN CITY – Nais ngayon ni City Councilor Francis Palmones na amiyendahan ang Republic Act No. 10742: Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.
Ito ay sa pamamagitan ng isang resolusyon na humihiling sa kongreso sa repasuhin ang nasabing batas na ito upang lagyan ng mga provisions na mabigyan ng honorarium ang mga SK Kagawad. Nag-ugat ang nasabing panukala ni Palmones matapos na ma-isyu sa Sangguniang Panglungsod ang pagbibigay ng honoraria sa mga SK kagawad.
Ayon sa lokal na mambabatas, wala umanong legal na basehan ang pagbibigay ng honorarium sa mga SK kagawad dahil hindi ito nakasaad sa local government code. Gayunpaman, ipinasa pa rin ng mga kasapi ng SP ang supplemental budget na P7,537,883 kungsaan nakalagay ang P1.3 milyon na para sa honorarium ng mga SK kagawad sa kabila ng wala pang legal opinion mula sa ahensiya ng gobyerno kagaya ng Commission on Audit, Department of Budget and Management at ng Department of the Interior and Local Government.
May paliwanag naman dito si Vice Mayor Jun Piñol kung bakit nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing supplemental budget. Sa panig naman ni City Councilor Ruby Sison na nais din nito na mabigyan ng honorarium angmga SK kagawad pero wala silang basehan kaya maingat lamang sila sa kanilang mga hakbang upang hindi sila makasuhan. (Rhoderick Beñez)