
MANILA (Mindanao Examiner / Sept. 14, 2013) – Mariing kinondena ng media group Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang rebeldeng Moro National Liberation Front matapos masaktan sa isang sagupaan ang 11 miyembro ng media at mga volunteer ng Philippine National Red Cross sa Zamboanga City.
Sa isang text na natanggap ni ALAM President Jerry Yap mula sa isang media man, nilabag ng mga MNLF rebels ang ‘principles of war’ nang atakihin nila and mga miyembro ng media at PNRC volunteers.
Ayon kay Benjie Murillo, ALAM member at dating director ng National Press Club, kahit saang giyera ay iginagalang ang presensya ng media at Red Cross dahil alam ng lahat na wala silang pinapanigan.
Nais ng media na mag-cover ng mga nangyayari at ang Red Cross naman ay magbibigay ng tulong sa mga masusugatan sa magkabilang panig.
Ngunit sa nangyari nitong September 13, ipinakita umano ng MNLF na wala sila sa katwiran.
“Nasa maselang kalagayan ngayon ang red cross volounteer dahil sa tama niya sa dibdib samantalang nasa bingit naman ng kamatayan ang lahat ng media men na nagsasagawa ng coverage sa Zamboanga. Wala na talaga silang respeto sa buhay ng tao. Daig pa nila ang mga barbaro. Pati kapwa nila Muslim ay pinahihirapan nila,” ani Yap sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Sa ika-6 araw ng sagupaan, umabot na sa 22 ang patay at 52 naman ang sugatan, kabilang ang ilang sundalo at sibilyan.
Kamakalawa lamang ay personal na nagtungo si Presidente Benigno Aquino III sa Zamboanga upang tignan ang sitwasyon doon. Umabot naman sa 50,000 katao ang nagsisiksikan ngayon sa mga evacuation centers dahil sa sapilitang pagpapalikas ng pamahalaan.
Sa report ni Murillo, kahit kapwa Muslim ay hindi sinasanto ng MNLF. Mahigit 100 katao pa ang hawak na bihag ng MNLF na ginagamit nilang human shield.
Ilang bata na umano ang tinamaan ng bala ng baril at nasa malubhang kalagayan ngunit ayaw pa ring pakawalan ng mga rebelde.
Nakahilera umano ang mga bihag habang nakagapos ng lubid sa harapan ng mga rebelde kaya hindi gaanong makapagpaputok ang mga sundalo. Bukod sa paggamit sa mga bihag, nanunog rin umano ng kabahayan ang mga rebelde.
Pinilit ng mga bumbero na apulahin ang apoy ngunit hindi umano sila makalapit dahil patuloy sa pagpapasabog ng mortar ang MNLF.
Taong 1996 nang makipagkasundo ang MNLF sa gobyernong pinamumunuan ni dating Pres. Fidel Ramos. Ngunit noong 2001, muling pinamunuan ni Misuari ang isang paksyon ng MNLF upang muling labanan ang gobyerno.
Nakulong si Misuari noong 2008 sa Fort Santo Domingo sa bayan ng Santa Rosa sa Laguna at muling nakalaya. Sa pamumuno ni Aquino, binuo ang Bangsamoro Framework Agreement na matinding kinontra ni Misuari. Dahil dito, nagdeklara ang nasabing MNLF faction ng kasarinlan at paghiwalay umano ng Mindanao sa Pilipinas na hindi naman kinilala ng ating gobyerno. (Nanet Villafania)