CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / Jan. 15, 2012) – Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang mga residente sa bayan ng Loreto sa Agusan del Sur ang biglang pag-ulan ng mga maliliit na isda sa kanilang lugar.
Karamihan sa mga ito ay itinuturing na isang milagro mula sa Diyos ang nabanggit na pangyayari kamakailan lamang. Nagulantang ang mga residente ng mapuna ang mga isda na nagmula sa kalangitan at agad na iniugnay ito na senyales mula sa Panginoon.
Ngunit ayon sa mga dalubhasa ay posibleng ipo-ipo o water spout ang dahilan ng lahat at hindi lamang napuna ng mga residente ang “natural phenomenon” na naiulat rin sa maraming bansa sa mga nakalipas na panahon.
Halos tatlong pulgada umano ang laki ng mga isda na bumagsak sa mga bubungan at kalsada. Likas na mapamahiin ang mga Pilipino at lahat ng hindi normal sa bawat isa ay agad na iniuugnay sa Diyos. (Mindanao Examiner)