
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Apr. 17, 2013) – Iniluklok ni Pagadian City Vice Mayor Romeo Pulmones ang sarili bilang acting mayor habang nagtatago sa batas si Pagadian City Mayor Samuel Co dahil sa arrest warrant nitong may kinalaman alegsasyon ng kasong P12-billion investment scam sa Mindanao.
Sa kanyang memorandum sa mga government agencies at department heads, kabilang ang pulisya at militar, at mga banking institutions, ginamit na dahilan ni Pulmones ang batas – Section 46 ng Local Government Code – bilang basehan ng kanyang pag-upo bilang alkalde.
“Pursuant to Section 46…the undersigned officially assumes office as acting city mayor Pagadian effectively immediately. In compliance with the said mandate, all documents, financial vouchers, reports, communications and other concerns from your end should be addressed now to the undersigned who is temporarily holding office at the Sanguniang Panglunsod,” ani Pulmones sa naturang memorandum na ipinasa sa Mindanao Examiner.
Sinabi pa ni Pulmones na ang mga lalabag sa kanyang memorandum ay may karampatang parusa ng naaayon sa batas.
Kinatigan naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Pulmones at sinabing legal ang pag-upo nito bilang acting mayor ng Pagadian base sa Section 46 ng Local Government Code. “By operation, there is no question about it and as far as we are concerned the assumption of Vice Mayor Pulmones as acting mayor of Pagadian is legal,” ani Pedro Cuevas, DILG Assistant Regional Director, sa panayam ng Mindanao Examiner.
Inakusahan ng mga awtoridad si Co ng syndicated estafa at nagtago matapos na malaman may lumabas na arrest warrant sa kanya nuong Abril 11. Ngunit iginiit naman ng mga abogado nito na hindi nagtatago sa batas si Co, subali’t pinasinungalingan naman ito ng National Bureau of Investigation at ng lokal na pulisya.
Si Co ay nasa ikatlo at huling termino na at tumatakbong vice mayor ng kanyang asawang si Priscilla na kanya naman pinatatakbo bilang mayor ng Pagadian sa ilalim ng partido Liberal ni Pangulong Benigno Aquino. Makakalaban ni Priscilla si Pulmones na miyembro ng Nationalist People’s Coalition.
Bukod kay Co, ipinag-utos rin ni Judge Alberto Quinto, ng Regional Trial Court, ang pagdakip sa 9 na iba pa kabilang ang Malaysian national na si Manuel Amalilio, na siyang founder ng Aman Futures; Fernando Luna, Lelian Gan, Eduardo Lim, Welanie Fuentes, Naezelle Rodriguez, Lurix Lopez, Jerome Sanchez at Oliver Dequinto.
Sinabi ng Malakanyang na hindi nito bibigyan ng speacial treatment si Co at kakasuhan ang mga nagtatago o kumakanlong sa kanya.
Sinisi noon ni Co ang mga kalaban sa pulitika – kabilang sina Pulmones at Zamboanga del Sur Gov. Antonio Cerilles – na siyang nasa lijkod ng bintang sa kanya o pagdadawit sa Ponzi scheme na kagagawan ng Aman Futures. (May dagdag na ulat sina Joenette Yankee at Ely D. Umaboc)